Sunday, November 28, 2010

LINGGO NA.

Ayon sa kalendaryo,simula na naman ng panibagong linggo. Pero kahit papasok na sa panibago at huling linggo ng Nobyembre, gusto ko muna balikan yung mga nangyari sa pinakamakabuluhang linggo ko sa unibersidad. Oo, parang "this is it!" yung pakiramdam. Pagkatapos ng halos tatlong taon ko sa UP, di ko inasahang mararanasan ko ang mga nangyari sa katatapos lang na linggo.

November 23, 2010

Unang anibersaryo ng Maguindanao Massacre, o mas tinatawag na ngayon na Ampatuan Massacre bilang ang makapangyarihang angkan ng Ampatuan ang itinuturong nasa likod ng masaker na bumawi sa buhay ng 58 sibilyan, kasama na ang 32 taga-midya.

Pagkatapos ng isang taon, halos wala pa ring nangyayari sa kaso at wala pa ring napaparusahan. Siguro sa marami, ‘di na nakakagulat pa ang usad-pagong na progreso ng kaso dahil nga naman, nasa Pilipinas tayo. Naalala ko tuloy si Sir Teodoro (dating dekano ng College of Mass Communication). Minsan niya kaming tinatanong sa Ethics class namin: “Are you familiar with the so-called justice system in our country?” Hindi ko rin masagot. Ang alam ko lang kasi, ang hirap makuha ng hustisya dito. Yung tipong ilang taon ka munang maghihintay bago mo makuha yun, kung tama ang magiging desisyon ng korte.

Sa kaso ng Ampatuan Massacre, mukhang malayu-layo pa bago makamit ang hustisya. May nagsasabi ngang baka abutin pa ng isang daang taon bago matapos ang proseso. Nakakalungkot. Lalo na siguro sa panig ng mga pamilya ng mga biktima.

Eto siguro yung dahilan kung bakit sa unang pagkakataon, sumama ako sa pagmartsa ng mga kapwa ko estudyante at mga guro sa labas ng kolehiyo para manawagan para sa hustisya. Naglakad mula EspaƱa hanggang Mendiola (muli, sa unang pagkakataon), upang makiisa sa mga taong hindi nakakalimot at patuloy ang panawagan para sa katarungan.

At sa unang pagkakataon na naitapak ko ang aking mga paa sa Mendiola, isang kilalang lugar para sa mga kilos-protesta, naramdaman ko ang kakaibang saya na kasama ako ng mga taong ito sa pag-alaala sa mga biktima sa pagsapit ng unang anibersaryo ng kagimbal-gimbal na masaker na naglagay sa Pilipinas sa pinakamataas na pwesto sa listahan ng mga pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag. Iba pala talaga yung pakiramdam na nagiging parte ka ng isang mahalagang pangyayari na alam mon

(teka, sa makakabasa, matutulog lang saglit at itutuloy ko rin agad pagmulat ng mata. :P )


Tuesday, November 16, 2010

Unang Papel para sa 2nd sem

Ano nga ba ang gusto ko sa buhay?

Sa dami ng taong lumipas na kinain ng kung anu-anong bagay na dapat gawin sa buhay, mahirap makapagbigay ng awtomatikong sagot sa tanong na ito. Sa araw-araw na dumadaan, hindi na natin namamalayan kung ano nga ba ang bagay na ginagawa natin na naayon sa ating kagustuhan at alin naman ang mga bagay na ginagawa dahil lang kailangan.

Madalas nating isipin na ginagawa natin ang mga ito dahil mayroong dahilan, dahil may gusto tayong makuha. Kaya naman walang kaso kung mapagod o mahirapan, dahil nga may inaasam tayong kahihinatnan. Pero sa kabila ng kaisipang ito, kung hihiga ka na sa gabi’t bibigyan ang sarili ng panahong pag-isipan ang mga ito, madali nga ba nating masasabi kung ano ang gusto natin sa buhay?

Sa pag-iisip ng sagot sa tanong na ito, sa tingin ko’y kelangan ko munang maniwala, kahit sandali lang, na ang buhay ay perpekto at ang lahat ay pwedeng mangyari. Parang fairy tales na kung saan lahat ay nagtatapos sa mga katagang “and they lived happily ever after.” Sa ganitong paraan, siguro’y mas magiging totoo ako sa sarili ko sa pag-iisip ng mga bagay na gusto ko talagang makuha o mangyari sa aking buhay.

Una na siguro’y ang pagiging isang journalist. Kaya naman kahit noong una’y di sang-ayon ang mga magulang ko, ipinagpatuloy ko ang pagkuha sa kursong ito para lamang matupad ko ang pangarap kong ito. Gusto kong maging isa sa mga taong may kabuluhan ang papel sa lipunan. Isang taong hindi lamang nagtatrabaho para sa sweldong gagamitin sa paggo-grocery, para sa pamamasyal ng pamilya, o paggimik kasama ang barkada. Gusto kong magtrabaho sa labas at maranasan ang mga toong nangyayari na hindi nakikita ng mga unipormadong empleyado sa matataas na building, nakakulong sa apat na pader ng malalamig na opisina at pupunta sa Starbucks para magpainit kung gustuhin.

Hindi ko naman inaasam na maging kilala ngunit gusto ko sanang kahit paano’y may maging bahagi ako sa mga pagbabago. Gusto kong gawin ang mga ginagawa ng mga tinitingala kong mamamahayag gaya nina Howie Severino na gumagawa ng mga dokumentaryong di lamang nagbibigay ng 5Ws and H ng isang pangyayari kundi nagiging daan para maihatid ang mga impormasyong hindi karaniwang inilalabas sa mga primetime news programs.

Alam kong walang pera sa propesyong ito at ayokong lokohin ang sarili ko kung hindi ko iyon tatanggapin. Pero gaya nga ng sinabi ko, hindi ko piniling maging isang mamamahayag para lamang kumita kundi para magawa ko ang bagay na alam kong magbibigay sa akin ng kaganapan bilang isang tao. Siguro’y sisisihin ko na lang yung mga guro ko noong elementary at high school na ipinakilala nila sa akin ang propesyong ito kapag hindi ako nakabili ng kotse pagkatapos ng sampung taon.

Bilang isang anak, gusto ko rin naming makapagbayad, kahit paano, sa aking mga magulang para

sa kanilang mga sakripisyo para sa akin. Gusto kong kahit paano’y ipatikim sa kanila ang bunga ng kanilang paghihirap.

Gusto ko rin sanang makapagsulat ng sarili kong libro. Sa totoo lang, di ko alam kung saan ko sisimulan para magawa ko ito, o kung magagawa ko nga ito. Pero sana. Sana.

Pag-ibig. Nakakatawa pero sa tingin ko’y dapat kong isama ito sa mga bagay na gusto ko sa buhay. Ayoko namang tumanda nang mag-isa. Pero hindi pa siguro ngayon. Kapag siguro alam kong handa na ako dumating na ang tamang panahon.

Pinakahuli na listahan ko ay kaligayahan. Napaka-ideyal pakinggan pero naniniwala akong bawat isa’y dapat makahanap ng kanilang sariling kaligayahan. Sa totoo lang ay hindi ko rin alam kung paano o saan ito makukuha pero naniniwala akong darating siya, isang araw.

Pagkatapos kong isa-isahin ang mga bagay na ito, naisip kong kahit alam ko na ang mga bagay na ginagawa ko ngayon ay para makuha ko ang mga gusto ko sa buhay, hindi ko pa rin pala nasigurado kung anu-anong nga ba lahat ng iyon. Ngayon ko lamang nalamang marami nga pala akong gusto, bukod sa propesyong pinili ko. At umaasa akong ‘di na kailanganin pang maging perpekto ng buhay para makuha ko ang mga bagay na ito.

---

dahil dito, nasabi ng propesor ko: "Pang peryodismo ka nga—dahil handa kang tanggapin ang di pagyaman (tama ba?) kapalit ang kaganapan."

Sana nga. :)


PS.

oo, ang busy ko na agad. Pero pramis, itutuloy ko yung blog entry bago ito (Sembreak). Antayin mo. :)