Friday, March 5, 2010

Biyernes

"Thank God it's Friday".
Tuwing Biyernes, lagi may nagsasabi, nagpopost, at nagtetext nito. Bakit? Anong espesyal? Hindi ba pwedeng araw-araw, at hindi lang Biyernes maramdaman yung nararamdaman ng mga taong ewan kapag Biyernes? Thank God it's Monday, o kaya Tuesday, Thursday?,pwede ding Wednesday.

Wala naman kasi kong masyadong ipagpapasalamat tuwing Biyernes. Ano, kasi tapos na ang linggo? Hindi rin.
Paano mo masasabing dapat ipagpasalamat ang pagtatapos ng linggo kung nangangahulugan din itong 'O, wala ka ng pasok kaya magagawa mo na yung mga dapat mong gawin'. Ano'ng kaibahan nun sa mga ordinaryong araw na nakikita mo ang taong magbibigay sa'yo ng pinakakaaasam mong grado na magdidikta RAW ng magiging kapalaran mo? Yung mga ordinaryong araw na nakikipag-ngitian, tawanan, kwentuhan, at irapan sa mga kaklase mong kung hindi masyadong sabog sa dami ng pinag-aaralan dahil nangangarap na makasungit ng parangal kapag suot niyo na ang mahiwagang toga, ay masyado namang nagpapakasaya sa buhay, kasama ang mga barkada sa pag-inom, paninigarilyo, pagpapakasaya, at pagkikibit-balikat sa mga bagay na dapat gawin para sa pag-aaral.

Walang espesyal sa Biyernes, maliban na lang kung makakita ka ng gwapong estrangherong magpapatulala sayo ng ilang segundo, at pagkatapos ay maiisip mong mukha kang tanga. O di kaya, uuwi ka ng walang iisiping dapat pag-aralan o gawin. Yun dapat ang depinisyon nun, lalo na para sa isang gaya ko na.. na.. wala. Kala mo naman kung ano? Syempre, pa-importante lang ako.

Biyernes ngayon. At gaya ng ibang araw, pagod ang utak, katawan, pati emosyon ko pagtapak ko ng pinto ng bahay.

Pumasok sa ilang klase, nag-aral kunyari, nagmadali ng isang papel, nakipag-usap sa kakilala, nagpa-xerox ng 151-pages na kailangan pag-aralan, sumakay ng jeep, nilipad ang buhok, naipit ng katabi, dumaan sa mall, nakipagsiksikan sa MRT, nakinig sa mp4, nakatulog, napanganga, kumain, sumakay, naglakad, tumawid, sumakay, at umuwi. Eto ang Biyernes ko--ngayon.

Sana magbago sa mga susunod pang Biyernes. Tapos masasabi ko rin, Thank God it's Friday!

Intro kunyari

Wala lang. Bakit? Masama bang magsulat ng walang dahilan? Hindi. Di ba? Hindi kailangan ng dahilan para magsulat. Dahil wala naman akong dahilan. Wala naman talaga, di gaya ng mga papel na ipinapasa sa klase. Pero gusto ko magsulat. Yun. Yung ang dahilan ko. Dahil gusto ko.

Matagal na rin yung huling pagsusulat ko. Kung tutuusin, lagi naman akong nagsusulat. Journalism kasi ang kurso ko. Pero iba kasi yung pagsusulat para sa grado at yung pagsusulat para sa pansariling dahilan. Yung tipong magsusulat ka na yung mga salita ay di pilit, yung natural lang na lumalabas sa utak, dumadaloy hanggang sa kamay at nailalabas sa kung anumang medium ang gamit. Yun yung pagsusulat na minahal kong gawin, noon. Pero dahil sa pressure na kasama ng pagsusulat sa kurso ko, unti-unting nawala yung "passion". Parang naging peke ang lahat. Di natural. Iba kasi yung pakiramdam ng 'gusto kong magsulat' sa 'kailangan kong magsulat'. Idagdag pa ang mga deadline na kailangan sundin.

Pero ngayon, gusto ko sanang muling magsulat. Yung pagsusulat na minahal ko, at alam ko na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin. Yung pagsusulat na pwede kong ilabas lahat, kahit ano, walang bawal, walang dapat sundin. Gusto ko lang ulit magsulat. Kailangan ko lang ulit magsulat--para sa sarili ko.