Friday, March 5, 2010

Intro kunyari

Wala lang. Bakit? Masama bang magsulat ng walang dahilan? Hindi. Di ba? Hindi kailangan ng dahilan para magsulat. Dahil wala naman akong dahilan. Wala naman talaga, di gaya ng mga papel na ipinapasa sa klase. Pero gusto ko magsulat. Yun. Yung ang dahilan ko. Dahil gusto ko.

Matagal na rin yung huling pagsusulat ko. Kung tutuusin, lagi naman akong nagsusulat. Journalism kasi ang kurso ko. Pero iba kasi yung pagsusulat para sa grado at yung pagsusulat para sa pansariling dahilan. Yung tipong magsusulat ka na yung mga salita ay di pilit, yung natural lang na lumalabas sa utak, dumadaloy hanggang sa kamay at nailalabas sa kung anumang medium ang gamit. Yun yung pagsusulat na minahal kong gawin, noon. Pero dahil sa pressure na kasama ng pagsusulat sa kurso ko, unti-unting nawala yung "passion". Parang naging peke ang lahat. Di natural. Iba kasi yung pakiramdam ng 'gusto kong magsulat' sa 'kailangan kong magsulat'. Idagdag pa ang mga deadline na kailangan sundin.

Pero ngayon, gusto ko sanang muling magsulat. Yung pagsusulat na minahal ko, at alam ko na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin. Yung pagsusulat na pwede kong ilabas lahat, kahit ano, walang bawal, walang dapat sundin. Gusto ko lang ulit magsulat. Kailangan ko lang ulit magsulat--para sa sarili ko.

No comments:

Post a Comment