Tuesday, October 26, 2010

Sembreak


Sembreak.

Ang tagal ko tong hinintay. Parang sampung taon ang limang buwang lumipas sa unang semestre ng pangatlong taon ko sa kolehiyo. Ang sarap ng pakiramdam ng malaya ka na ulit. Walang deadlines na sasalubong sa'yo sa umaga (yun ay sa mga gabing nakatulog ka pa), walang paper na ipapasa, walang exam na pagpupuyatan pag-aralan, at wala ring byaheng papagod sa katawan. Lahat ay wala na, tapos na. Ang meron na lang ay ang pasakit na dala ng paghihintay sa mga gradong limang buwan mong pinaghirapan (pinagtiisan, pinagpuyatan, at minsan pa nga'y iniyakan). Pero bukod dun, sa'yo na uli ang oras mo. Lahat. Para sa pagtulog, pagkain, pagdalaw sa kaibigan, pagtunganga, pagpapakatamad, at pagbalik sa mga bagay ng matagal mo nang nakalimutan.

Marami na pala kong nakalimuta. Ay hindi, di nakalimutan, naisantabi lang. Yung mga bagay na talagang gusto kong gawin at nagpapasaya sa'kin. At lahat sila, binalikan ko, ngayong Sembreak.

Pagtugtog

Addict ako sa music. Ewan, di ako mabubuhay ng isang araw na walang naririnig na kanta (minsan, galing sa'kin pag walang maipatugtog. Oo, di naman masama yun. Para sa sarili mo lang naman. Hahaha.) Basta marinig ko man o kantahin, basta may musika, ayos na ko dun. Eto siguro yung nagtulak sa'kin para pilitin yung ate ko at ibang kaibigan na turuan akong tumugtog ng gitara. Naalala ko pa na sinabi ko noon na gusto kong matutong mag-gitara bago ako mamatay. 3rd high school, nagsimula na akong mag-aral. At masasabi ko naman na kahit paano'y natuto ako.
Passenger's Seat ang unang natutunan ko. Palibhasa'y apat na chords lang naman yun. G-Em-C-D. Paulit-ulit hanggang matapos ang kanta. Tapos nagsimula ko na ring pag-aralan yung iba pang kanta na simple lang ang chords gaya ng Hawak Kamay, Torete, at iba pa (nakalimutan ko na). Pero naputol ang pag-aaral so sa pagtugtog ng gitara mula pagtungtong ng college. Wala ng oras. Wala ng panahon. Nakakalungkot pero wala namang magawa. Kailangan unahin ang acads. Kaya unti-unti, nakalimot na ko.
Pero ngayon, may panahon na ulit, at pagkakataon para ituloy ang nasimulan na. Nag-aaral na ulit ako ng mga bagong kantang tutugtugin. Kahit papaano pala'y di naman talaga nawala yung mga natutunan ko noon. Naitago lang, at ngayo'y muling nailabas.
Pagsusulat
Ano nga ba'ng ginagawa ko ngayon?
Patunay na nahalungkat ko ulit ang blog na ito pagkatapos ng matagal na panahon (wow lang, ano?) na kating-kati na talaga kong magsulat ulit. (pakibasa ang unang blog entry para mas maintindihan.) Isa kasi to sa mga bagay na talaga namang nawala na mula nang maging Journalism student ako kung saan lagi ngang nagsusulat, pero di sa paraang alam kong nakapaglalabas ako ng iniisip at nararamdaman (sa parehong paraan na nailalabas mo ang dumi ng katawan kapag nakaupo sa trono sa inyong palikuran). Mula kasi nang maging required ang pasusulat, nagsawa na ko. Hindi sa pagsusulat, na alam kong isa sa mga bagay na gusto ko talagang gawin sa buhay ko. Nagsawa na kong magsasama-sama ng mga salitang walang kahulugan. Walang kahulugan dahil 'di sila bunga ng kusang panganganak ng salita at ideya. Pero alam ko namang may katuturan sila, para sa iba. Diba nga't ang mga balitang sinusulat ng mga tao sa larangang pinili ko ay ang panata nila (o namin) para sa mga tao? Pero may kaibahan pa rin talaga ang pagsusulat para sa iba at pagsusulat para sa sarili mo. Kung para sa sarili mo, alam mong lahat ay totoo. Lahat ay natural na lumalabas at di na kailangan pilitin. Bawat salita'y di sa bibig o nanginginig na daliri lumalabas. Lahat ay nangangaling sa loob (mahirap ipaliwanag kung saan dun. Ayokong sabihing galing sa puso dahil magmumukhang pang-MMK ang blog na ito at maakusahan pang isang cheesy na tao). Basta sa loob, pwedeng sa puso, sa utak, sa baga, sa bituka, o pwede ring sa alveoli (natutunan ko to nung grade 5. Oha!). Sigurado kang sa'yo nangagaling at alam mong ikaw ang boses sa bawat piyesang naisusulat mo. Alam mong ang totoong ikaw yun nang walang bahid ng pagpapanggap o pagkonporme sa gusto ng iba. Lahat ay galing sa'yo. Yun ang pagsusulat na gusto kong balikan at handa ko nang simulan.

Pag-ibig
Oo, kasabay ng pagbabalik ko sa musika't pagsusulat, kasabay na bumabalik ang alaala ng isang pag-ibig. Pero, tsaka ko na ikukwento. Oo, badtrip ako dahil mabibitin kayo (assuming kasi ako na may magbabasa nito.)


Basta maraming bumabalik kapag Sembreak. At marami ring binabalikan. Salamat sa oras na nakalaan para sa lahat ng pwedeng pagkaabalahan at nagagawang minsan pa'y buhayin yung mga bagay na akala mo'y di na pwedeng maulit. Gaya ng pagtugtog, pagsusulat, at pag-ibig.

Oh, sembreak. :)

2 comments: